Friday, February 10, 2012

Miyerkules de Senisa / Miyerkules ng Abo


Gaya ng pagbabalik-loob ng mga taga-Nineveh (Jonah 3: 5-8), ang ating mga noo ay pinapahiran ng abo upang magpangumbaba ang ating mga puso at paalalahanan tayo na ang buhay sa mundo ay may hangganan.

KASAYSAYAN
Sa kalendaryo ng Kanluraning Kristiyano, ang Miyerkules ng Abo o Miyerkules-de-Senisa ay ang unang araw ng Mahal na Araw at pumapatak apatnapu't-anim na araw (apatnapu kapag hindi binibilang ang mga Linggo) bago ang Pasko ng Pagkabuhay. Nagaganap ito sa iba't ibang araw bawat taon, dahil nakabatay ito sa petsa ng Pasko ng Pagkabuhay; maaaring pumatak ito ng pinakamaaga sa Pebrero 4 o pinakahuli sa Marso 10.

Dalawang termino ang nabanggit sa unang pangungusap: Miyerkules de Sinisa at Kuwaresma. Ang Kuwaresma ay panahon ng pagbabalik-loob, pagninilay at pangilin upang tayo ay maging handa sa muling pagkabuhay ni Kristo, nang matanggap natin ang kaligtasan.

Nakuha ng Miyerkules ng Abo ang pangalan nito sa paglalagay ng abo sa noo ng namamalampalataya bilang tanda ng pagsisisi. Kinukuha ang mga palaspas sa nakaraang Linggo ng Palaspas upang sunugin at gawing abo para sa pistang ito. Sa ibang kasanayang pang-liturhiya ng ibang mga simbahan, hinahalo ang abo sa Langis ng mga Katehumen (isa sa mga banal na langis na ginagamit sa pagpahid sa mga bibinyagan), bagaman ginagamit ng ibang simbahan ang pangkaraniwang langis. Ginagamit ang abo at langis ng paring mangunguna sa misa o serbisyo upang makagawa ng antanda ng krus, una sa kanyang sariling noo at sa bawat taong luluhod sa kanya sa baranda ng altar. Pagkatapos sasabihin ng pari ang mga salitang: "Tandaan mo na nagmula ka sa alikabok, at sa alikabok ka rin babalik."


KAHULUGAN
Habang ang mga abo ay sumisimbolo ng pagbabalik-loob at pagsisisi, ang mga ito rin ay nagpapaalala na ang Diyos ay nalulugod at nahahabag sa mga taong buong pusong tumatawag at humihingi ng Kanyang kapatawaran. Pinakamahalaga ang dakilang awa ng Panginoon sa panahon ng Kuwaresma. At ang Simbahan ay tumatawag sa atin na hingin ang Dakilang Awa ng Diyos sa panahong ito sa pamamagitan ng pagninilay, pananalangin at pagbabalik-loob. Sa pagpapahid ng abo ng pari sa atin, sinasabi niya ang mga katagang “Turn away from sin and believe in the Gospel”. Ipinahahayag sa atin na sikapin na lumayo sa mga kasalanan at sa mga okasyong magdadala sa atin dito, upang tayo ay higit na makasunod sa salita ng Diyos sa Ebanghelyo.

Thursday, February 9, 2012

MAHAL NA BIRHEN NG LOURDES


Panahon: 11 Pebrero hanggang 16 Hulyo 1858

Lugar: Lourdes, isang maliit na nayon sa Pransya

Pangyayari: Labing-walong beses na nagpakita ang Mahal na Birheng Maria sa katorse anyos na si Bernadette

Noong taong 1858, nagpakita ang Mahal na Inang Maria ng labing-walong beses kay Bernadette Soubirous sa isang maliit na pamayanan sa Pransya na kung tawagin ay Lourdes. Walang kamatayan ang mga mensahe ni Maria kay Bernadette at magpahanggang ngayon ay naaangkop pa rin ito sa ating pamumuhay.

Isinilang si Bernadette noong ikapito ng Enero 1844, panganay na anak ng mag-asawang Francois Soubirous at Louise Casterot. Maganda ang kabuhayan ng mag-anak; nagtatrabaho bilang manggigiling si Francois. May walong kapatid si Bernadette -- anim na lalaki at dalawang babae -- subalit tatlo lang sa kanila ang tumanda nang mahigit sampung taong gulang. Lalong pinagtibay ng trahedya ang pagmamahalan ng pamilya Soubirous. Payapa silang nabuhay at hindi naringgan na nag-aaway ang ama't ina. Dahil maganda ang pagpapalaki sa kanila ng magulang, naging matatag si Bernadette sa gitna ng mga pagsubok, kahirapan at karamdaman.

Nagbago ang takbo ng buhay ng pamilya Soubirous noong 1854. Nabilanggo si Francois pagkatapos siyang paratangang nagnakaw ng dalawang sako ng trigo -- na hindi naman totoo. Matapos niyang lumaya, tinamaan ng dalawang taong tagtuyot ang kanilang lugar. Humina ang ani, nadamay pati ang trabaho sa gilingan. Tuluyan nang nawalan ng hanapbuhay si Francois nang mag-usbungan ang mga makinarya noong Industrial Revolution. Napilitang tumira ang mag-anak sa isang maliit na tulugan sa isang dating kulungan na kung tawagin ay Cachot.

Kasabay ng paghihirap ng pamilya Soubirous, kinapitan ng cholera ang batang si Bernadette. Sanhi nito habambuhay na siyang nakipagbuno sa karamdaman at dinadapuan ng mataas na lagnat. Bukod sa paghihirap na pisikal, lubha ding dinamdam ni Bernadette ang pagmamaliit ng lipunan sa mga kagaya nilang naninirahan sa Cachot.

Hindi nakakapasok sa paaralan si Bernadette sanhi ng karamdaman. Sa gulang na katorse, tanging wika ng taga-Lourdes ang alam niya. Hindi siya marunong magsulat, magbasa o magsalita ng Pranses. Sa kasamaang-palad, sa wikang Pranses lamang itinuturo ang katekismo noong panahong iyon sa kanilang bansa. Nagsisimba si Bernadette ngunit hindi siya pinapayagang tumanggap ng kumunyon hanggang tulungan siya ni Fr Pomian. Pagmamahal ng kanyang ina ang nakapagpapalakas sa loob ng dalaga. Ngunit may kakaibang katangian si Bernadette at pinalad siyang pagpakitaan ng labingwalong beses ng Mahal na Birheng Maria. Dahil sa mga aparisyong ito, nagbago ang mundo at nakilala ang pangalang Bernadette.

Unang Aparisyon – Huwebes, 11 Pebrero 1858

Pagkatapos nilang maghapunan ilang araw bago ang Miyerkules ng Abo, napansin ng ina ni Bernadette na wala na silang panggatong sa bahay kaya inutusan si Bernadette, ang kapatid nitong si Toinette at ang kapitbahay nilang si Jeanne Adabe na mangahoy. Kinakailangang tumawid sa malamig na tubig ng Ilog Gave patungo sa kahuyan at sa pangambang hikain siya, minabuti ni Bernadette na magpaiwan sa pampang doon sa ilalim ng grotto ng Massabieille.

Habang hinihintay niyang bumalik ang mga kasamahan, nakarinig si Bernadette ng malakas na ugong na parang may nagbabadyang unos -- datapwat walang gumagalaw sa paligid. Natakot siya. Tumayo si Bernadette ngunit nawalan siya ng kakayahang magsalita at mag-isip. Bumaling siya sa grotto at nakita niya ang isang rosebush sa batong lagusan; gumagalaw ito kahit hindi hinihipan ng hangin. Mula sa loob ng grotto, tumambad ang nakasisilaw na gintong ulap. Kasunod nito ang paglabas ng isang kabataang babae na may taglay na pambihirang kagandahan.

Nginitian ng Birhen si Bernadette at inanyayahang lumapit sa kanya -- hindi kaiba sa isang ina na tumatawag sa kanyang anak. May tangang rosaryo sa kanyang kanang bisig ang Birhen kaya inilabas din ni Bernadette ang kanyang rosaryo at lumuhod sa harapan nito. Nagsimula siyang magdasal. Nang tangkain niyang gawin ang tanda ng krus, namangha siya dahil paralisado ang kanyang kanang bisig. Naigalaw lang niya itong muli pagkatapos gawin ng Birhen ang tanda kng krus. Habang nagrorosaryo si Bernadette, nanatiling tahimik ang Birhen pero hinahawakan nito ang mga butil ng kanyang rosaryo. Sinasabayan ng Birhen sa pagbigkas ng Luwalhati si Bernadette. Naglaho ang Birhen at ang gintong ulap matapos ang panalangin.

Ikinuwento ni Bernadette sa kapatid ang pangyayari at hiningi niyang ilihim nila ito. Pero hindi nawala sa isip ni Bernadette ang imahen ng Birhen.

Isang gabi habang nagdadasal ang pamilya Soubirous, sukat na nabahala si Bernadette at nagsimulang umiyak. Pilit inalam ng ina kung anong nangyayari sa kanya. Sinabi ni Toinette sa ina ang lahat ng ikinuwento sa kanya ng kapatid. Sa pag-aakalang ilusyon lang ni Bernadette ang lahat, pinagbawalan siya ng ina na bumalik sa Massabieille.

Hindi nakatulog si Bernadette nang gabing iyon. Paulit-ulit na bumabalik sa isipan niya ang maamo at mapagpalang mukha ng Birhen. Hindi siya naniniwalang ilusyon lang ang lahat; nakatitiyak siya sa kanyang nasaksihan. Ganito ang pagkakalarawan niya sa Birhen:

Para siyang kabataan na edad 16 o 17. Nakasuot ng balabal na puti na tinalian ng kulay asul na sintas sa baywang. May umbrera at magandang pilegis ang balabal sa may leeg. Mahaba ang manggas at hapit na hapit. May suot din siyang puting belo na abot hanggang baywang at nakatakip ang karamihan sa kanyang buhok. Nakatapak lang siya at abot sa paa ang laylayan ng balabal maliban lamang sa bahagi kung saan may mga kumikinang na dilaw na rosas sa bawat paa. Meron siyang rosaryo sa kanang bisig na may puting butil at gintong kuwintas na gaya ng dalawang rosas sa kanyang paanan.”


Ikalawang Aparisyon – Linggo, 14 Pebrero 1858

Kinalingguhan, pinayagan si Bernadette ng kanyang ina na bumalik sa grotto. May dalang agua bendita si Bernadette nang humayo siya doon kasama sina Toinette at Jeanne. Kung totoo ang sabi ng matatanda, kakailanganin nila ang binasbasang tubig upang labanan ang masasamang espiritu. Imbes na sabuyan niya ng agua bedita ang Birhen pagkakita niya dito, tahimik na ibinuhos ni Bernadette sa lupa ang dala-dala. Binalingan niya sina Toinette at Jeanne, sabay sabi na sa nakita niyang hitsura ng Birhen, natuwa ito sa inasal niya. Pumukol ng bato si Jeanne ngunit kasabay ni Toinette tumalilis ito dahil sa takot. Nagsumbong si Toinette sa ina na sumugod sa grotto hawak ang isang sanga. Usap-usapan na sa lugar nila ang mga nangyayari kay Bernadette.

Kaiba sa mga mamamayan, maganda ang naging pananaw ni Madame Millet sa mga pangitain ni Bernadette. Tinitingala sa lipunan nila si Madame. Sa pahintulot ng ina ni Bernadette, sinamahan niya ang dalagita sa grotto kasama ang isa pang kaibigan, si Antoinette Peyret.

Ikatlong Aparisyon – Huwebes, 18 Pebrero 1858

Nagsimba muna sina Madame Millet, Antoinette at Bernadette bago nagpunta sa grotto. May dalang binendisyunang kandila si Madame Millet samantalang nagbaon ng panulat, papel at tinta si Antoinette upang itala ang anumang mensahe ng Birhen. Anang Birhen kay Bernadette: "Hindi na kailangang isulat pa ang aking sasabihin. Maaari ka bang magtungo dito araw-araw sa susunod na labinlimang araw?” Hindi ipinaliwanag ng Birhen kung bakit nais niyang bumalik si Bernadette at hindi rin niya ito pinangakuang magkakamit ng kasiyahan sa mundo. Gayunman, nangako siyang may kaligayahang naghihintay kay Bernadette sa langit.


Ikaapat na Aparisyon – Biyernes, 19 Pebrero 1858

Sinamahan si Bernadette ng kanyang mga magulang, tiyahin at ilang kapitbahay sa grotto. Ilang sandali matapos magsimulang magrosaryo si Bernadette, nakita ng lahat na nagliwanag at nag-iba ang kanyang mukha.


Ikalimang Aparisyon – Sabado, 20 Pebrero 1858

Tinuruan si Bernadette ng Birhen ng isang panalangin. Hindi ito isiniwalat ni Bernadette kaninuman ngunit dinasal niya ito araw-araw hanggang kamatayan. Inatasan din siyang magdala ng binendisyunang kandila. Ito ang dahilan kung bakit hanggang sa kasalukuyan, maraming kandila ang sinisindihan sa dambana sa Lourdes.


Ikaanim na Aparisyon – Linggo, 21 Pebrero 1858

Sinabihan ng Birhen si Bernadette na "magdasal para sa mga makasalanan" -- hindi naman siya binigo ni Bernadette. Daan-daang tao ang nakasaksi sa mga pangyayari kay Bernadette sa araw na ito. Kasama na dito si Dr. Dozous, isang kilalang manggagamot sa Lourdes. Sinuri niya si Bernadette. Ayon sa duktor, wala siyang makitang abnormal sa pisikal na kalagayan ng dalaga. Kahit parang nakalutang sa ulap si Bernadette, aniya, "regular ang kanyang pulso, magaan ang kanyang paghinga at hindi siya kakikitaan ng nerbiyos o kaguluhan.”

Nagpulong ang mga mamamayan at nagtalo ukol sa napapabalitang mga aparisyon. Sa takot nilang magkaroon ng kaguluhan sanhi ng mga malalaking pagtitipon sa grotto, nahimok nila ang Procurer Imperial, si M. Dutour, na pagbawalang bumalik doon si Bernadette. Hindi napapayag si Bernadette. Pagkatapos nilang mag-usap ng dalaga, kinausap ni Dutour ang dalawang lokal na opisyal – si M. Jacomet, ang hepe ng pulisya, at si M. Estrade. Di kalaunan naging kaibigan si Estrade nina Bernadette at Dutour. Nakinig si Estrade sa mga pag-uusap nina Jacomet at Bernadette at masusi niya itong ini-rekord.

Sa isa nilang pag-uusap, sinadya ni Jacomet na lituhin si Bernadette upang tingnan kung magbabago ang kanyang pahayag tungkol sa mga aparisyon. Pinanindigan ni Bernadette ang kanyang salaysay. Walang nagawa si Jacomet kundi pakawalan si Bernadette. Subalit binalaan nito ang ama ng dalaga na iuwi agad siya sa tahanan at siguraduhing hindi na magkakaroon pa ng kaguluhan. Ngunit nanaig ang tawag ng damdamin sa anumang babala mula sa mga awtoridad kaya bumalik si Bernadette sa grotto kinabukasan pagkagaling sa paaralan. Sinundan siya ng dalawang pulis. Sumunod din ang maraming tao. Nagmasid ang mga pulis sa di kalayuan habang lumuhod si Bernadette sa nakagisnan niyang lugar. Pagtayo niya, nilapitan siya ng mga pulis at tinanong kung ipagpipilitan niya na nakita niya ang Birhen. “Hindi. Wala akong nakita ngayon na kahit ano,” aniya. Pinayagang umuwi si Bernadette ngunit siya ay kinutya at pinagbantaan. Ayon sa mga nang-uuyam, takot daw ang Birhen sa mga pulis kaya hindi ito nagpakita sa kanila.


Ikapitong Aparisyon – Martes, 23 Pebrero 1858

Higit-kumulang dalawang daang katao ang nakasaksi sa aparisyon. Nang magbago uli ang anyo ni Bernadette, nag-alis ng sumbrero ang mga kalalakihan at lumuhod. Mistulang may kausap si Bernadette at taimtim na nakikinig bago biglang naging masaya ang kanyang hitsura. Panay din ang kanyang pagyukod. Matapos ang isang oras, naglakad na nakaluhod si Bernadette patungo sa rosebush at hinalikan ang lupa. Nang usisain siya kung ano ang tinuran ng Birhen, sinabi ni Bernadette na may tatlong sikretong ibinahagi sa kanya. Hindi nabunyag ang mga ito kailanman.


Ikawalong Aparisyon – Miyerkules, 24 Pebrero 1858


Sa pagkakatong ito, hinarap ni Bernadette ang mahigit 400 na katao at tatlong beses niyang binanggit ang katagang "penitensiya".

Ikasiyam na Aparisyon – Huwebes, 25 Pebrero 1858


Sinabihan ng Birhen si Bernadette na “uminom at maligo sa bukal.” Naguluhan ang dalaga dahil walang bukal o sibol ng tubig sa Massabieille. Tinabig niya ang maliliit na bato at kinapa ang lupa sa kanyang paligid. Saka lang niya napansin na mamasa-masa ang lupang kanyang tinatapakan. May namuong maliit na lawa. Sa pamamagitan ng kanyang mga kamay, sumalok siya ng tubig sa bukal at uminom bago siya naghilamos ng mukha. Kinabukasan, umapaw ang tubig at pumatak sa bato. Sa sumunod na araw, lumaki na talaga ang sibol. Para sa mga hindi nananampalataya, matagal nang nandoon ang bukal at napansin lang nang makapa ni Bernadette. Gayunman, hindi matutunton ni Bernadette ang sibol kung walang utos na nanggaling sa isang banal.


Ikasampung Aparisyon – Sabado, 27 Pebrero 1858

Inutusan ng Birhen si Bernadette na “halikan ang lupa para sa mga makasalanan.” Kaagad siyang tumalima sa ipinag-uutos at gayundin ang ginawa ng lipon ng mga tao.


Ikalabing-isang Aparisyon – Linggo, 28 Pebrero 1858

Dalawang libong katao ang bumisita sa grotto kinaumagahan. Nag-iwan ng mensahe ang Birhen para sa mga pari: Nais niyang magtayo sila ng kapilya sa grotto.


Ikalabindalawang Aparisyon – Lunes, 1 Marso 1858

Napansin ng Birhen na hindi gamit ni Bernadette ang sarili niyang rosaryo sa pagdarasal. Tama ang Birhen. Pinakiusapan ni Pauline Sans si Bernadette na rosaryo niya ang gamitin ng dalaga noong araw na iyon. Pinagbigyan naman siya ni Bernadette.


Ikalabintatlong Aparisyon – Martes, 2 Marso 1858

Maagang dumating sa grotto si Bernadette. Nagrosaryo siya sa harap ng Birhen. Nanatiling tahimik ang Birhen maliban tuwing dinadasal ni Bernadette ang Luwalhati.


Ikalabing-apat na Aparisyon – Miyerkules, 3 Marso 1858

Inulit ng Birhen ang hiling niya na magtayo ng kapilya sa grotto. Hiniling din niya na magpunta doon ang mga tao na anyong nagpuprusisyon. Takot si Bernadette sa pari sa kanilang lugar na si Abbe Peyramale. Hindi naging madali sa kanya na puntahan dati si Peyramale upang ipabatid ang kahilingan ng Birhen. Higit na tapang ang kailangan ni Bernadette para magbalik sa pari ngunit hindi siya makatanggi. Ipinagtabuyan ang dalaga at inatasan na sabihin daw sa Birhen na hindi sila nakikitungo sa mga mahiwagang estranghero. Kung nais umano ng Birhen na magkaroon ng kapilya, kailangang lumantad ito at patunayang siya nga ang Birheng Maria.


Ikalabinlimang Aparisyon – Huwebes, 4 Marso 1858


Alam na ng halos buong Pransya na ito ang huli sa itinakdang 15 araw na pagdalaw ni Bernadette sa Birhen sa grotto. Dalawampung libong katao ang nagtungo doon kasama ang mga kawal sa garrison na nakauniporme pa. Buong galang na nagbigay-daan kay Bernadette ang mga sundalo nang papalapit na siya sa lugar. Pagkatapos ng aparisyon, sinabi ni Bernadette na patuloy pa rin siyang magtutungo sa grotto dahil hindi pa nagpapaalam ang Birhen. Nadismaya ang mga tao. Nakita nila ang pagbabagong-anyo ni Bernadette at hangad sana nilang mamalas din ang kanyang nakikita at marinig ang kausap. Inaasahan din nilang magkakaroon ng milagro at bubukadkad ang rosebush.


Ikalabing-anim na Aparisyon – Biyernes, 25 Marso 1858

Sa kapistahan ng Pagbabalita ng Anghel kay Maria, ipinahayag ng Birhen ang tunay niyang katauhan kay Bernadette. Sabi niya: "Que soy era Immaculado Conception” – Ako ang Imakulada Concepcion. Hindi batid ni Bernadette ang kahulugan ng tinurang pangalan ngunit hindi na nangailangan pa ng paliwanag ang mga tao at lalo nilang dinumog ang Lourdes. Isang lokal na opisyal, si Baron Massy, ang nag-utos na sumailalim si Bernadette sa pagsusuri ng tatlo pang manggagamot. Ayon sa mga naatasang dalubhasa, maayos ang pag-iisip ni Bernadette.


Ikalabimpitong Aparisyon – Miyerkules, 7 Abril 1858

Nakaugalian na ni Bernadette na magsindi ng kandila sa grotto dahil bilin sa kanya iyon ng Birhen. Hindi niya namalayan na ang isang kamay pala niya ay nakasalab na sa apoy ng kandila habang siya ay nagdadasal. Napasigaw ang mga tao ngunit parang wala siyang narinig. Labinlimang minuto siyang nagdasal at ganoon din katagal na nakababad ang kamay niya sa apoy. Subalit hindi siya nasaktan. Kumuha si Dr. Dozous ng isa pang kandila at walang sabi-sabing idinantay ang apoy sa kamay ni Bernadette. Napasigaw sa sakit si Bernadette matapos itong mapaso. Pagkatapos ng pangitaing ito, iniutos ng Prefect na isara ang grotto at gibain ang altar.


Ikalabing-walong Aparisyon – Biyernes, 16 Hulyo 1858

Sa pagkakasara ng grotto, naginhawahan si Bernadette dahil nabawasan ang atensiyon sa kanya. Ilang buwan makaraan ito, matapos magkumunyon si Bernadette sa kapistahan ng Mahal na Birhen ng Mt. Carmel, nagkaroon siya ng masidhing pagnanasa na bumalik sa grotto kasama ang isang tiyahin. Dahil nakabarikada ang grotto, hindi makalapit sa sagradong lugar ang mag-tiya kaya lumuhod na lang sila sa damuhan malapit doon. Sa huling pagkakataon, nagpakita ang Birhen kay Bernadette.

Sa kalaunan, pumasok sa kumbento si Bernadette sa ilalim ng Order of the Sisters of Charity. Naging masakitin siya sa loob ng maigsing panahon niyang nabuhay sa mundo. Gayunpaman, hindi ito naging hadlang sa paggawa niya ng kanyang mga tungkulin bilang infirmarian at sakristan. Namatay siyang isang banal noong ika-anim ng Abril 1879 sa murang gulang na 34. Inilibing si Bernadette sa kanilang kumbento sa Nevers. Tatlumpung taon makalipas iyon, hinukay ang labi ni Bernadette noong 22 Setyembre 1909 habang nakamasid ang dalawang manggagamot, ilang mga opisyal at madre sa kumbento. Walang mabahong amoy at hindi naaagnas ang katawan ni Bernadette.

Matapos ang sampung taon pa, binuksan uli ang puntod ni Bernadette noong 3 Abril 1919. Wala pa ring pagbabago sa labi ni Bernadette -- na noon ay idineklarang Venerable -- maliban sa kaunting pamumutla ng mukha niya dahil sa paghuhugas dito noong unang buksan ang kanyang nitso. Isang wax worker ang inatasang pangalagaan ang mukha ng Santa na apatnapung taon nang sumakabilang-buhay. Ang labi ni Bernadette ay itinuturing na ngayong sagrado at nakalagay sa ataul na gawa sa ginto at salamin. Maaari itong dalawin sa Chapel of Saint Bernadette sa kapilya sa Nevers.