Friday, February 10, 2012

Miyerkules de Senisa / Miyerkules ng Abo


Gaya ng pagbabalik-loob ng mga taga-Nineveh (Jonah 3: 5-8), ang ating mga noo ay pinapahiran ng abo upang magpangumbaba ang ating mga puso at paalalahanan tayo na ang buhay sa mundo ay may hangganan.

KASAYSAYAN
Sa kalendaryo ng Kanluraning Kristiyano, ang Miyerkules ng Abo o Miyerkules-de-Senisa ay ang unang araw ng Mahal na Araw at pumapatak apatnapu't-anim na araw (apatnapu kapag hindi binibilang ang mga Linggo) bago ang Pasko ng Pagkabuhay. Nagaganap ito sa iba't ibang araw bawat taon, dahil nakabatay ito sa petsa ng Pasko ng Pagkabuhay; maaaring pumatak ito ng pinakamaaga sa Pebrero 4 o pinakahuli sa Marso 10.

Dalawang termino ang nabanggit sa unang pangungusap: Miyerkules de Sinisa at Kuwaresma. Ang Kuwaresma ay panahon ng pagbabalik-loob, pagninilay at pangilin upang tayo ay maging handa sa muling pagkabuhay ni Kristo, nang matanggap natin ang kaligtasan.

Nakuha ng Miyerkules ng Abo ang pangalan nito sa paglalagay ng abo sa noo ng namamalampalataya bilang tanda ng pagsisisi. Kinukuha ang mga palaspas sa nakaraang Linggo ng Palaspas upang sunugin at gawing abo para sa pistang ito. Sa ibang kasanayang pang-liturhiya ng ibang mga simbahan, hinahalo ang abo sa Langis ng mga Katehumen (isa sa mga banal na langis na ginagamit sa pagpahid sa mga bibinyagan), bagaman ginagamit ng ibang simbahan ang pangkaraniwang langis. Ginagamit ang abo at langis ng paring mangunguna sa misa o serbisyo upang makagawa ng antanda ng krus, una sa kanyang sariling noo at sa bawat taong luluhod sa kanya sa baranda ng altar. Pagkatapos sasabihin ng pari ang mga salitang: "Tandaan mo na nagmula ka sa alikabok, at sa alikabok ka rin babalik."


KAHULUGAN
Habang ang mga abo ay sumisimbolo ng pagbabalik-loob at pagsisisi, ang mga ito rin ay nagpapaalala na ang Diyos ay nalulugod at nahahabag sa mga taong buong pusong tumatawag at humihingi ng Kanyang kapatawaran. Pinakamahalaga ang dakilang awa ng Panginoon sa panahon ng Kuwaresma. At ang Simbahan ay tumatawag sa atin na hingin ang Dakilang Awa ng Diyos sa panahong ito sa pamamagitan ng pagninilay, pananalangin at pagbabalik-loob. Sa pagpapahid ng abo ng pari sa atin, sinasabi niya ang mga katagang “Turn away from sin and believe in the Gospel”. Ipinahahayag sa atin na sikapin na lumayo sa mga kasalanan at sa mga okasyong magdadala sa atin dito, upang tayo ay higit na makasunod sa salita ng Diyos sa Ebanghelyo.

No comments:

Post a Comment